Miyerkules, Pebrero 27, 2013

bakit umuulan

KUNG BAKIT UMUULAN Isang Kuwentong Bayan

KUNG BAKIT UMUULAN
Isang Kuwentong Bayan
Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pangoras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang Diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.
“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.
“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”
“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong Diyosa,” bulong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.
Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.
At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
“Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang Diyosa. Gusto niyang lumikha.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng… oras!” At nagsimula nga ang oras.
Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.
Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”
“Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.
“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”
Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya roon, nanonood, nakakunot ang noo.
“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong Diyosa!”
Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.
Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.
“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
Lumipas ang mahabang panahon, at nasawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.
“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!”
Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.
“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon.
Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong Diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.
Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.
Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.
Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.

sandaang damit

1. May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.
5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
6. Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”
7. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.
10. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
11. “Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
12. Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”
13. Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
14. “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.
15. “Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”
16. At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.
17. Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.
18. Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.
19. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
20. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.
21. Sandaang damit na pawang drowing lamang.

Sundalong patpat

ANG SUNDALONG PATPAT
Rio Alma
Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog…

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.

batang batng kapa

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang

(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian

(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man

(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo

(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan

(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman

(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan

(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la

link para sa learning package sa fili[pino

LINK ON LEARNING PACKAGE FOR 7 GRADERS

 FOR 2ND GRADING
http://ebookbrowse.com/learning-package-baitang-7-ikaapat-na-markahan-pdf-d418298982

FOR 3RD GRADING 
 http://ebookbrowse.com/learning-package-baitang-7-ikatlong-markahan-pdf-d418298981

FOR 4TH GRADING