Sandaang Damit ni Fanny A. Garcia
1. May
isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay
kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag - iisa
siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba
ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at
ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba
ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya
dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang
luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain,
halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang
kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig,
mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain.
Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain
nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan
kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na
karaniwa’y walang palaman.
5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
6. Ang nangyayaring ito ay batid
ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa
panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat -
labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay
haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya,
“Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag
nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng
masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”
7.
At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin
nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata
naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang
makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang
sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.
10. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang
mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang
damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang
palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga
kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
11. “Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
12.
Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala.
“Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”
13. Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
14. “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.
15.
“Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto
ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela,
kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”
16.
At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay
inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa
kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti.
Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang
manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong
ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda.
O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking
bulsa.
17.
Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon,
siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay
natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang
kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin
ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso
ng kanilang baong mansanas o sandwich.
18.
Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing
may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw.
Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga
kaklase at guro.
19.
Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent
sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
20.
Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap.
Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay
ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad
ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na
nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at
nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga
drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong
lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang
rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit
pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa
paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento